-- Advertisements --
PBBM

Dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tatlong international meetings bago matapos ang taon.

Sa Nobyembre, magkakaroon si Marcos ng dalawang internasyunal na pakikipag-ugnayan sa Asia dahil nakatakda siyang lumahok sa Association of Southeast Nations (ASEAN) Summit sa Cambodia at sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meetings sa Thailand.

Ang ASEAN Summit ay gaganapin sa Phnom Penh (puh-naam-pen) mula Nob. 10 hanggang 13, habang ang APEC ay gaganapin sa Bangkok mula Nob. 14 hanggang 19.

Pagkatapos sa Disyembre, lilipad ang Pangulo sa Belgium para dumalo sa ASEAN-European Union (EU) Commemorative Summit, kung saan inaasahang tatalakayin ang isang trade deal sa pagitan ng dalawang rehiyon.

Ayon kay DFA Assistant Secretary for ASEAN Affairs Daniel Espiritu, sa ASEAN Summit, tatalakayin ng mga pinuno ng estado ang pagbuo ng five-point consensus, na sinang-ayunan ng mga miyembrong estado ng ASEAN na itigil ang karahasan sa Myanmar na pinamumunuan ng junta, at may gagawing diyalogo sa mga kinauukulang partido.

Doon, ilalabas din ng Pangulo ang kanyang mga alalahanin sa seguridad sa pagkain at enerhiya, sa South China Sea, sa pagbabago ng klima at sa pagbangon ng ekonomiya pagkatapos ng pandemya.

Samantala, ayon naman kay DFA spokesperson Ma. Teresita Daza , magiging “significant” ang partisipasyon ni Marcos sa APEC kung isasaalang-alang na ang Pilipinas ay isa sa mga founding member ng inter-governmental forum na binubuo ng 21 member states.