Aminado si Senate President Juan Miguel Zubiri na kailangan na ng pangmatagalang solusyon at hindi maaaring maging proactive na lamang ang pamahalaan, sa tuwing may mga kalamidad na dumarating sa bansa.
Giniit ni Zubiri, na dapat ma-streamline o mapaikli ang response system ng gobyerno kasabay ng pagpapalakas rin ng national authority, para maging epektibo ang koordinasyon sa national at local government kapwa sa pagtugon at paghahanda sa mga kalamidad.
Ibinahagi rin ng senate leader, na kokonsultahin nila ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga lokal na pamahalaan para masuri ang kanilang recovery roadmap.
Sa pagbabalik naman aniya ng session sa Lunes, isasaalang-alang ng Senado sa pagtalakay ng panukalang 2023 budget, ang kinakailangang pondo para makabangon ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Paeng.
Samantala, inikot ni Zubiri ang ilan sa mga lokal na pamahalaan sa Mindanao na naapektuhan ng bagyong Paeng para magbigay ng tulong.
Kabilang sa mga hinatiran ng tulong ni Zubiri ang Zamboanga City, probinsya ng Maguindanao del Norte, Cotabato City, probinsya ng Maguindanao del Sur, at ang probinsya ng Sultan Kudarat.
Kabuuang 1,500 na sako ng bigas ang naipamahagi ng senate leader sa mga apektadong komunidad.
Nilinaw ng senador, na nakalap mula sa pribadong sources ang mga ipinamahaging tulong at walang pondo ng gobyerno na nagamit sa pamamahagi ng bigas.