Pinag-aaralan na rin daw ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang posibilidad na ipasara ang Panglao Island sa Bohol at Coron, Palawan para linisin gaya ng ginawa sa isla ng Boracay.
Sa isang panayam sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na isinasapinal pa nina Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, Environment Sec. Roy Cimatu at DILG Sec. Eduardo Año ang internal recommendation na kanilang ilalabas para sa El Nido.
Batay sa ulat, nakita na mas malala ang sitwasyon ng tubig sa karagatan ng Bacuit Bay sa El Nido kumpara sa Boracay bago ito isinara noon.
Sa datos ng gobyerno, nabatid na umabot sa 3.4-milyon ang fecal coliform level sa kada 100-miligram ng tubig sa dagat ng lugar.
Ibig sabihin, nalampasan nito ang 100-most probable number threshold na mapanganib umano para sa tao.