-- Advertisements --

Binatikos ng ilang kongresista ang panggigipit na ginagawa ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna kay Vice President Leni Robredo sa kabila nang pagtulong nito sa mga Pilipinong apektado ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, “harassment” ang ginagawa ng PACC kay Robredo katulad ng ginagawa naman ng NBI kay Pasig City Mayor Vico Sotto.


Ang aniya’y “squid tactics” na ito ay paraan upang sa gayon malihis ang atensyon ng naghihirap na sambayanang Pilipino mula sa incompetent, malabo, at hindi sapat na na tugon ng pamahalaan sa krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Nakakahiya aniyang makita na insecure ang Duterte administration sa mga taong kumikilos at gumagawa ng kanilang makakaya makatulong lamang sa lipunan sa gitna ng nararanansang krisis.

“Bayanihan nga dapat at tulong-tulong ang kailangan sa ngayon para malampasan natin ang CoViD pero itinuturing pa itong kompetisyon ng palpak na administrasyong  ito. Kung ginawa nila sana ng mas maaga ang mga dapat gawin ay wala sa ganitong sitwasyon ang bansa, tapos sila pa ang may ganang magalit,” giit ni Zarate.


Tanong tuloy ngayon ni Albay Rep. Edcel Lagman kung tama bang ipatawag ng pamahalaan at panagutin ang aniya’y good samaritans na tumutulong lamang sa paglaban kontra COVID-19 dahil sa kanilang volunteer work.

Kung tutuusin aniya bago pa man naisabatas ang Bayanihan to Heal as One Act ay ilang milyong piso na ang natipon ni Robredo mula sa mga private donors bilang tulong sa mga apektado nang lockdown na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinapaalala naman ni Kabataan party-list Rep. Sara Elgao sa mga kritiko ni Robredo na ang Pilipinas ay nasa gitna ng public health crisis at natural lamang na kikilos ito alinsunod sa sinumpaang trabaho kaakibat ng kanyang posisyon sa pamahalaan.

Maling isipin aniya na kompetisyon ang ginagawa ni Robredo dahil ang higit na mahalaga sa ngayon ay nakakatulong ito sa pagsagip sa buhay ng mga nangangailangan ng tulong.

“VP Leni’s effort is actually commendable as she was quick to respond to people’s need especially giving PPEs and board and lodging to our health workers despite Duterte administration’s deprivation to her Office of vast resources, and rightful government machineries and other institutional vehicles,” dagdag pa nito.

Huwag naman aniya sanang gamitin pa ang krisis na kinakaharap ng bansa para habulin ang mga kritiko ng pamahalaan.