-- Advertisements --

Nagpaabot ng papuri si Vice President Sara Duterte sa lahat ng manggagawang Pilipino ngayong Araw ng Paggawa, Mayo 1, bilang pagkilala sa kanilang kasipagan at katatagan sa kabila ng mga hamon sa buhay.

‘Ngayong araw na ito, tayo ay nagbibigay-pugay sa lahat ng manggagawang Pilipino na patuloy na nagsusumikap para sa ikauunlad ng kani-kanilang buhay, pamilya, at komunidad,’ ani VP Sara sa kanyang video message.

Sa kanyang video message, binigyang-diin ni Duterte ang kahalagahan ng kontribusyon ng overseas Filipino workers (OFWs), mga medical at security frontliners, community workers, guro, at iba pang manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.

Nagpahayag din siya ng paghanga sa “katatagan, talino, at kasipagan” ng mga manggagawa sa kanilang iba’t ibang larangan, maging sa loob o labas ng bansa.

‘Ako ay sumasaludo sa inyong katatagan, talino, at kasipagan na inyong ipinapakita sa inyong kani-kaniyang sektor, sa loob man o sa labas ng bansa,’ dagdag nito.

Ang Mayo 1 ay taunang ginugunita bilang Araw ng Paggawa at idineklara bilang regular holiday sa bisa ng Proclamation No. 727.