-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nakaalerto na ang hanay ng Pangasinan Maritime Police para sa posibleng banta ng bagyong Egay dahil kasalukuyan pa ring nakataas ang signal no. 1 sa ilang bahagi sa lalawigan.

Ayon kay Pems Denton Mejos ang Station Executive Senior Police Officer ng Maritime Police, na bagamat banayad pa ang kalagayan at sitwasyon sa tondaligan beach ay inihanda na nila ang ilang mga equipments na kanilang gagamitin para sa search and rescue operations.

Regular din aniya ang kanilang isinasagawang monitoring sa bahagi ng tondaligan beach park dahil patuloy pa ring dumadagsa ang mga beach goers kahit pa may banta ng bagyo.

Sa kasalukuyan aniya ay wala pa namang binababang ordinansa na ‘No Swimming Policy’ at ‘No Sailing Policy’ dahil sa lokal na pamahalaan aniya ito manggagaling.

Gayunpaman, siniguro naman nitong agad nilang ipatutupad ang ordinansa sa oras na magbaba na ang mga kinauukulan para sa kapakanan ng mga beach goers pati na rin sa mga mangingisda.

Patuloy din itong nagpapaala na mag-ingat at maging alerto sa posibleng magiging epekto ng bagyo at mas maiging habang maaga pa ay maghanda na.