Aminado si Department of Energy (DOE) Sec. Alfonso Cusi na marami pang pag-aaral ang kailangan na isagawa patungkol sa paggamit ng Nuclear Power Plant bilang isa sa mga maaring pagkuhanan ng supply ng kuryente.
Sa budget deliberations sa Kamara, sinabi ni Cusi na patuloy na tinututukan ng inter-agency committee na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aaral sa Nuclear Power Program.
Ayon kay Cusi, isa lamang ang programang ito sa mga kinukonsidera sa samu’t saring possible energy sources para sa layunin na matiyak ang energy security sa bansa.
Pero hindi kumbensido si Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat na makakabuti para sa mga consumers ang paggamit ng Nuclear Power Plant.
Bukod sa peligrong hatid nito, sinabi ni Cullamat na magpapalala lamang ang Nuclear Power Program sa dependency ng Pilipinas sa importation ng energy source.
Katulad ng coal at gas, aangkatin din mula sa ibang bansa ang uranium na gagamitin para sa pagpapatakbo ng Nuclear Power Plant.
Maari aniyang magresulta ito sa lalong pagtaas ng bayarin sa kuryente ng mga consumers dahil sa posibleng pagpataw sa kanila ng tinatawag na nuclear tax at bayarin para sa nuclear waste disposal.