-- Advertisements --

Hindi dapat gamitin ang ngalan ng Panginoong Diyos sa pagsusulong ng usaping pulitika.

Ito ang inihayag ni Aklan Second District Representative Teodorico Haresco kasunod ng ikinasang prayer rally sa Maynila kahapon bilang suporta sa Sonshine Media Network International o SMNI.

Sinabi ni Haresco na mas mabuting hintayin na lamang ang election period para sa pagsasagawa ng mga rally.

Karaniwan aniyang bumabagsak ang popularidad ng isang pangulo pagtuntong ng ikatlong taon sa puwesto ngunit sa ngayon ay masyado pang maaga.

Ganito rin ang pananaw ni La Union Representative Paolo Ortega at iginiit na dapat pagtuunan muna ng pansin ang mga problema ng bansa sa halip na dumagdag ang tensyon sa pulitika.

Tingin naman ni Lanao del Norte Representative Mohamad Khalid Dimaporo, ang presensya ni Vice President Sara Duterte sa prayer rally ay para pakiusapan ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na maghinay-hinay sa pagbanat kay Pangulong Bongbong Marcos.

Bilang miyembro ng gabinete ay umaasa si Dimaporo na makikipagdayalogo si VP Sara kay dating Pangulong Duterte bagama’t kumbinsido ito na mayorya pa rin ng mga Pilipino ang susuporta kay Marcos.