-- Advertisements --
pangandaman

Isusumite ng Advisory Body ng Maharlika Investment Corporation (MIC) ang pangalan ng mga nominado o kandidatong opisyal na mamamahala sa Maharlika Investment Fund kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kalagitnaan ng Oktubre.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, maglalabas ang Advisory Body ng isang advertisement sa susunod na linggo upang imbitahan ang mga aplikante para sa iba’t ibang executive positions sa Maharlika Investment Corporation.

Kabilang sa mga posisyong ito ang president at chief executive officer (CEO), regular directors at independent directors mula sa pampubliko at pribadong sektor.

Kung saan sa oras na matanggap ni PBBM ang mga rekomendasyong isusumite ng Advisory Body, ang Pangulo na ang siyang magtatalaga ng pangulo at CEO, regular director at independent directors ng Maharlika Investment Corp.

Una na ding inanunsyo ni Finance Secretary Benjamin Diokno na sinimulan na ang paghahanap para sa mga kwalipikadong executives na siyang mangangasiwa at mamamahala ng pondo.

Aniya, nakasalalay ang tagumpay ng pagpapatupad ng MIF sa pagtatalaga ng magagaling na opisyal para pamahalaan ang naturang sovereign wealth fund na striktong alinsunod sa mga probisyon ng batas.

Nitong araw ng Martes, nagsagawa ng isang inaugural meeting ang Advisory Body na binubuo nina Budget Secretary Amenah Pangandaman, National Economic Development Authority Secretary Arsenio Balisacan at National Treasurer Rosalia de Leon kaugnay sa pagbuo ng mga pangkalahatang polisiya may kinalaman sa investment at risk management ng Maharlika Investment Corp at nagkaroon din ng deliberasyon sa salary schedule ng mga magiging opisyal ng korporasyon.