BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa Murcia, Negros Occidental upang makilala ang lalaki na natagpuang patay sa tabi ng tubuhan nitong araw ng Sabado at pinaniniwalaang biktima ng summary execution.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Major Robert Dejucos, hepe ng Murcia Municipal Police Station, isang traysikad driver ang nakakita sa bangkay sa Hacienda Ko, Purok Valencia, Barangay Pandanon Silos, Murcia.

Nabalot ng packing tape ang ulo, kamay at dalawang paa ng biktima na tinatayang may taas na 5’4” hanggang 5”6 at medium built ang pangangakatawan.

Sa dibdib ng biktima ayon sa hepe, mayroong tattoo na pangalan ni “Melvin Odicta” at may dalawang star, habang may nakasulat naman na Christine sa kanyang kanang braso.

Ayon kay Dejucos, papuntang Bacolod City ang sasakyan na nag-iwan sa bangkay.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng Murcia PNP upang matukoy ang motibo sa krimen ngunit hindi aniya isinasantabi na may kinalaman ito sa iligal na droga dahil sa tattoo na Melvin Odicta.

Nabatid na si Odicta ay itinuturong drug lord sa Iloilo ngunit pinatay ito noong Agusto 2016 kasama ang kanyang asawa sa Caticlan Jetty Port sa Aklan.