VIGAN CITY – Dismayado ang isang alkalde sa Ilocos Sur dahil sa paggamit sa kaniyang pangalan upang makapangbiktima o makapang-budol sa isang negosyante.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nakilala ang biktima na si Onofre Porte, 64; at Onarce Porte, 30, kapwa negosyante na residente ng Brgy. Daclapan, Cabugao, Ilocos Sur.
Nakatanggap umano ng tawag ang Cabugao municipal police station mula kay John Juralbal na mayroon umanong insidente ng budol-budol na nangyari sa Barangay Binifacio, Cabugao nitong Huwebes ng gabi.
Kaagad na rumesponde ang mga otoridad at dito napag-alaman na mayroon umanong tumawag kay Onacre Porte at nagpakilalang ito si Cabugao Mayor Edgardo Cobangbang Jr., at inutusan itong bumili ng apat na red wine, isang black label and whiskey Jack Daniel sa isang convenient store.
Dahil dito, inutusan ni Onarce Porte ang kaniyang ama na magtungo sa nasabing convenient store at bumili ng mga nasabing produkto ngunit nang makarating si Onofre sa convenient store, nakatanggap ito ng tawag na nagpakilalang si Mayor CObangbang muli at inutusan itong magpaload ng P113, 200 at ipasa ito sa 29 na cellular phone numbers.
Pagkatapos nito, nakatanggap muli si Onarce ng tawag mula sa ibang unregistered phone number na nagpakilalang si Mayor Cobangbang at inutusan itong magpareserve ng dalawang kwarto sa Marons Beach House sa Barangay Daclapan, Cabugao at mag-order ng panaghalian.
Huli na nang malaman ng mag-ama na nabiktima sila ng budol-budol gang dahil napag-alaman na hindi si Mayor Cobangbang ang tumawag sa kanila at hindi kailanman ito hihingi ng load sa ibang tao.