Hindi pa nakakapagsimula ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang imbestigasyon kaugnay sa mga naging rebelasyon ni Joemel Advincula alyas Bikoy.

Ito’y dahil hindi pa rin nagbibigay ng kaniyang extra judicial confession si Bikoy pero positibo ang PNP na kahit na malaya na ay babalik pa sa Camp Crame si Advincula.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, base sa pakikipag-ugnayan ng mga kamag-anak nito sa Criminal Investigation and Detection Group, malaki ang paniniwala niya na babalik ito.

Ang extra judicial confession ay naglalaman ng sinumpaan nitong salaysay at umano’y mga ebidensyang hawak nito.

Dagdag pa ni Albayalde, hanggang sa ngayon ay wala pang formal request si Advincula na magpasailalim sa kanilang kustodiya na kailangan para mabigyan sya ng kaukulang seguridad.