-- Advertisements --

Maaaring makompromiso ang ipinangakong internet speed, kabilang ang rollout date nito, sa sandaling mabigo ang Dito at state-owned China Telecom na magkaroon ng posibleng backup plans sa pagbasura sa US-Hong Kong submarine cable project, ayon kay Prof. Glen Imbang, ng University of the Philippines.

Ginawa ng UP professor sa Technological Management Center ang pahayag bilang reaksiyon sa mga ulat na pagbasura ng Google at Facebook. Inc. sa kanilang planong undersea cable sa pagitan ng United States at ng Hong Kong makaraang sabihin ng Trump administration na maaaring gamitin ng Beijing ang koneksiyon upang makakuha ng impormasyon sa mga Amerikano.

Ang pagbawi sa plano ng dalawang social media sites para sa submarine cable link ay resulta rin ng umiigting na tensiyon sa pagitan ng US at ng China kaugnay sa mga serye ng hindi pagkakaunawaan, isa na rito ang akusasyon ng America na ang Chinese high-tech products ay maaaring gamitin sa pag-eespiya.

Ayon kay Prof. Imbang, matapos ang pag-atras sa planong US-Hong Kong submarine cable, ang third telco ay may dalawang praktikal subalit magastos na opsiyon upang maisakatuparan ang ipinangakong internet speed nang igawad dito ang prangkisa para basagin ang telecom business duopoly sa bansa.

“Build its own undersea cable or go into rocket science or satellite for the data transmission,” sabi ni Prof. Imbang, na ipinaliwanag na ang paggamit ng satellite feeds para sa
internet connectivity nito ay sobrang magastos.

Sinabi ng UP professor na kapag pinili ng Dito na magtayo ng sarili nitong submarine cable, ang rollout timeline naman nito ang malalagay sa panganib dahil mangangailangan ng minimum na limang taon para makabuo ng isang international undersea cable link.

Nauna nang nangako ang Dito, isang 60-40 partnership ng state-owned China Telecom at Udenna consortium, na magkakaloob ito ng internet access sa one-third ng mahigit sa 100 milyong populasyon ng bansa sa minimum speed na 27 megabits (Mbps) na nakatakda sanang i-roll out noong nakaraang July 8, 2020.

Subalit dahil umano sa coronavirus pandemic ay patuloy na naaantala ang rollout ng third telco.

Samantala, mahigpit na tinutulan ng mga residente ng Armed Forces of the Philippines Officers Village, Inc. sa Taguig City ang napaulat na plano ng Dito na magtayo ng may 20 5G cell towers sa kanilang komunidad.

Isa sa mga dahilan na tinukoy sa isang online petition ng karamihan ay retired at active military men ang icybersecurity issue “since our village is a community of former military officers and our place is also very near to the headquarters of the Army, Navy and Air Force and about 40 residents in our place are holding key government positions.”