Pinaiimbestigahan ni Jouse Asst. Minority Leader Stella Quimbo sa Philippine Competition Commission (PCC) ang rice millers at traders na lumalabag umano sa Philippine Competition Act.
Ito’y matapos mabatid na may ilan daw sa mga ito ang nananamantala sa mga magsasaka sa pamamagitan ng “severe” reduction sa presyo ng palay.
Bagamat bumagal ang inflation sa 2.4-percent noong Hulyo dahil sa pagbaba ng presyo ng bigas ng 2.9 percent, ani Quimbo, lalong bumulusok ang presyo sa bilihan ng palay sa 17.48-percent.
Nangangahulugan daw ito na ang mga magsasaka ang sumasalo at lugi sa pagbaba ng presyo ng bigas, bagay na dulot umano ng pang-aabuso ng rice millers at traders.
Ayon kay Quimbo, paglabag ito sa Section 15 ng Philippine Competition Act kung saan ipinagbabawal ang pag-aabuso kapalit ng pagbaba sa presyo ng mga palay.
Hinimok ng kongresista ang PCC na panagutin ang sino mang mapapatunayang nasa likod ng rice cartels.
Suportado naman ito nina AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin na nais namang ipasilip ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).