CENTRAL MINDANAO- Tukoy na ng mga otoridad ang nanambang sa isang lokal na opisyal sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga sugatan na sina Shariff Aguak Maguindanao Vice-Mayor Akmad Ampatuan at dalawang Security Escort nito.

Ayon kay Maguindanao 2nd District Congressman Esmael”Toto”Mangudadatu na si Vice-Mayor Akmad Ampatuan na ama ni Shariff Aguak Mayor Marop Ampatuan ay isa sa mga principal witness nya sa Maguindanao massacre case.

Marami ang naniniwala na posibling paghihiganti ang motibo sa pananambang sa Bise-Alkalde.

Matatandaan na palabas ng Municipal Hall ang mga biktima lulan sa isang Toyota Innova kulay pula at pagsapit nito sa national highway sa Brgy Poblacion Shariff Aguak ay tinambangan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan gamit ang kalibre .45 na pistola at M16 Armalite rifles.

Agad namang tumakas ang mga suspek sakay sa dalawang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Shariff Aguak.

Ang mga biktima ay agad dinala sa Maguindanao Provincial Hospital ngunit agad inilipat sa isang pagamutan sa Davao City si Vice-Mayor Ampatuan.

Sa ngayon ay may mga person of interest nang iniimbestigahan ang pulisya sa Shariff Aguak sa pananambang sa mga biktima.