Todo ang panawagan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasahero na huwag nang tangkaing tumuloy sa airport at bumiyahe kung positibo sila sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa tala kasi ng MIAA, umabot na sa 138 ang kanilang naharang simula Enero hanggang Abril 15 at karamihan sakanilang dahilan ay hindi nila alam na positibo pala ang resulta nila sa RT-PCR test.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, ang mga pasahero ay naharang sa airline checkpoints sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals 1, 2 at 3.
Ang iba umanong pasahero ay sinabing hindi na nila tinignan ang resulta ng kanilang swab test habang ang iba naman ay inirason ang kanilang recruitment agencies na inutusan silang dumiretso na sa NAIA at hintayin ang resulta doon.
Dahil dito, nababahala si Monreal sa posibleng pagdami pa ng kanilang mahaharap na mga pasaherong hindi pinapahalagahan ang safety guidelines sa pagbiyahe na itinakda mismo ng Inter Agency Task Force (IATF).
Kasabay nito, nagbabala na rin si Monreal sa mga magtatangka pang bumiyaheng may positibong covid test results na huwag nang tumuloy dahil mahigpit ang mga personnel at seguridad ng mga paliparan kaya malalaman at malalaman nila ang katotohanan.
At dahil na rin sa mga nagpositibong pasahero na nakapasok na sa airport, siniguro ng MIAA management na magsasagawa sila ng disinfection sa lahat ng terminals ng paliparan maging ang mga pasilidad ng NAIA.
Nangako ang MIAA na susunod pa rin ang mga ito sa safety protocols base na rin sa direktiba ng pamahalaan.