-- Advertisements --

Sasagutin na ng Pampanga provincial government ang gamutan para sa symptomatic patients na magpopositibo sa antigen test.

Ayon kay Pampanga Gov. Dennis Pineda, layunin nitong hindi na makadagdag sa pasanin ng national government ang dumaraming kaso ng COVID sa kanilang lalawigan.

Ngayong araw, pinulong ng opisyal ang mga alkalde sa bawat lungsod at munisipalidad sa Pampanga para pag-usapan ang mga karagdagang hakbang na gagawin para hindi na lalong tumaas pa ang bilang ng mga nagpopositibo sa deadly virus sa kanilang probinsya.

Una rito, lumitaw sa data ng OCTA Research Group na ilang lugar sa Pampanga ang nasa critical level na ang ICU at hospital beds, dahil sa patuloy na pagdami ng tinatamaan ng COVID.

Kung sakali man na magkaroon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga barangay, ipinag-utos ni Gov. Pineda na pansamantala munang isailalim sa localized containment o granular lockdown ang mga ito.

Inatasan din niya ang mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang istratehiyang “prevent, detect, isolate, treat, reintegrate, and immunize (PDITR-I), maging ang minimum public health standards.

Target niya na makapagbakuna ng hanggang 20,000 na indibidwal kada araw.