KALIBO, Aklan – Very proud at labis-labis ang kasiyahan ng pamilya ni Kathleen Paton matapos koronahan sa katatapos na 2022 Miss Eco International sa bansang Egypt.
Ayon kay Luz Sinag Paton, ina ni Kathleen na mixed feelings ang kanyang naramdaman matapos marinig ang pangalan ng anak na siyang nanalo sa kompetisyon.
Aniya, kahit wala siya sa tabi ng kanyang anak ay araw-araw naman nitong pinaparamdam ang kanyang suporta at pagmamahal.
Sa katunayan umano ay sinubaybayan niya ang buong kompetisyon kun saan napasigaw pa siya sa sobrang saya.
Sinasabing Nobyembre 2021 pa silang huling nagkita ni Kathleen dahil sa kanyang busy schedule.
Si Kathleen ang bunso sa kanyang apat na anak, kung saan ipinanganak at nag-aral ito sa Isla ng Boracay hanggang sa lumipad sila papuntang Australia.
Siya ang ikalawang Pinay beauty na nakakuha ng Miss Eco International kasunod ni Cynthia Thormalla noong 2018.
Pangunahin sa kanyang adbokasiya ang pagpapalakas ng mental health at pangangalaga ng kalikasan.