Inirekomenda ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes na ikonsidera ng pamilya ng mga nasawing Ateneo basketball players na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili ang pagsasampa ng kasong sibil laban sa mga responsable sa insidenteng ikinasawi ng dalawa.
Ayon kay Ordanes, maaaring maging isa sa mga unang hakbang ng mga pamilya ang paghahain ng civil case laban sa pamunuan ng Ateneo de Manila University (ADMU), Ateneo Blue Eagles head coach na si Tab Baldwin, at iba pang posibleng may pananagutan sa nangyari.
Magugunitang nasawi sina Baterbonia, 19, at Adili, 21, matapos tangayin ng malalakas na alon habang isinasagawa ang team-building activity ng Ateneo Blue Eagles sa isang pribadong beach resort sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Batay sa mga report, wala umanong suot na life vest ang mga atleta sa oras ng insidente. Iniulat din na walang watchtower para sa mga lifeguard at walang sapat na warning signs sa resort.
Kasunod ng trahedya, pansamantalang isinira at ipinapadlock ng lokal na pamahalaan ang naturang establisimyento habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Dalawang kabataang atleta ang namatay. Hindi ito simpleng aksidente na basta na lamang dapat kalimutan. Karapatan ng pamilya na malaman ang buong katotohanan at habulin ang pananagutan ng sinumang mapapatunayang may pagkukulang,” pahayag ni Ordanes.
Patuloy namang nagsasagawa ng magkakahiwalay na imbestigasyon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matukoy kung may naganap na kapabayaan o paglabag sa mga umiiral na safety protocols sa isinagawang aktibidad.
Nauna nang bumuo ng joint investigative body ang mga kinauukulang ahensya upang suriin ang insidente at repasuhin ang mga patakaran para sa kaligtasan ng mga student-athlete sa mga training at team-building activities.
















