-- Advertisements --
image 371

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) Assistance to Nationals unit sa pamilya ng dalawang Pilipino na natagpuang patay sa magkahiwalay na lugar sa New Yor City para makapagbigay ng assistance para sa pagpapalabas ng mga dokumento upang mapabilis ang repatriation ng mga labi.

Una ng natukoy ang mga nasawing Pilipino na sina Zeny Braga, 44 anyos at ang transgender na si Rodolfo Manacap Jr. o tinatawag na si Olivia Snow isa ring freelance makeup artist.

Natagpuan ang bangkay ni Braga sa mismong banyo ng kaniyang nirerentahang apartment sa Elmhurst, Queens noong Enero 17 na sinubukang dalhin sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival.

Samantala, natagpuan naman ang katawan ni Manacap sa isang hotel sa Manhattan noong Enero 19 na huling namataang kasama ang kaniyang mga kaibigan na dumalo pa sa Miss Universe pageant sa New Orleans noong Enero 14.

Sa ngayon wala pang iniisyung opisyal na pahayag ang mga awtoridad kung may foul play sa pagkamatay nina Braga at Manacap.