Mariing pinabulaanan ng kampo ni Julie Defensor, asawa ni dating Congressman Mike Defensor, ang paratang na may kinalaman sila sa human trafficking matapos pormal na magsampa ng reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanya, sa kanyang anak, at sa iba pang indibidwal.
Isinampa ang kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasig City Prosecutor’s Office.
Nag-ugat ang reklamo sa isang rescue operation ng NBI sa isang establisimyentong konektado umano sa isang hotel sa Pasig City kung saan napaulat ang mga iligal na sexual na aktibidad.
Ayon sa ahensya, ang kumpanya na nagmamay-ari sa nasabing hotel ay pinamumunuan ni Julie Defensor bilang presidente.
Paliwanag ni NBI Director Melvin Matibag, natuklasan ang isang secret passage na nagdudugtong sa establisimyento at hotel.
Dagdag pa ng opisyal:
Tinawag ni Julie Defensor na isang orchestrated smear campaign ang mga paratang at iginiit na nadamay lamang sila sa isang political attack na nagresulta sa pagkawala ng trabaho ng nasa 1,000 empleyado.
Itinanggi ni Matibag na pulitika ang motibo ng operasyon. Nilinaw niyang lumabas lamang ang pangalan ng mag-ina nang masuri ang mga nakumpiskang dokumento.
Payo ng NBI sa pamilya, mas mainam na sagutin na lamang nila ang mga paratang sa tamang forum dahil malinaw ang isinasaad ng batas laban sa human trafficking.
















