Nagpasaklolo na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ng pinaslang na si AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe.

Sa pagharap ng pamilya Batocabe sa Kamara nitong araw, inamin ng asawa ng pinatay na kongresistang si Gertie Batocabe na dismayado ito sa naging usad ng kaso.

Nitong nakaraang linggo nang payagan ng korte ang sinasabing mastermind ng krimen na si dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo na makalaya sa pamamagitan ng piyansa.

Iginiit naman ng kasalukuyang AKO-Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr. na tila binalewala ang pagsisikap noon ng Kongreso para makasuhan si Baldo.

Sa ngayon naghain na raw ng mosyon ang pamilya ng biktimang kongresista ayon sa panganay na anak na si Atty. Justine Batocabe.