NAGA CITY – Naniniwala ang mismong kapitan ng Barangay Beberon, San Fernando, Camarines Sur na mistaken identity ang nangyaring pamamaril sa isa sa kanyang residente na si Virgilio Revilla.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Larry Mateo, sinabi nitong isa umanong mabuting tao at walang kaaway sa lugar si Revilla.

Maliban dito, aktibo rin aniya ang biktima sa barangay at sa mga programa o proyekto ng munisipyo.

Ayon sa opisyal, posibleng ibang tao ang target ng gunman at nagkamali lamang ang mga ito sa pagpapaputok kay Revilla.

Sa ngayon ayon kay Mateo, nakikipag-ugnayan na aniya sila sa kapulisan para sa mabilis na pagresolba sa kaso.

Nagpapagaling naman sa ngayon si Revilla matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang katawan ngunit maswerteng hindi napuruhan.