Sinimulan na ng gobyerno ang pamamahagi ng tulong pinansiyal at cash for work program para sa 26,000 pamilya inilikas dahil sa pag-alburuto ng bulkang Mayon.
Paliwanag ni Department of Social Welfare Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang unang tranche ng tulong pinansiyal ay pinondohan sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program.
Hindi naman tinukoy ng kalihim ang halaga na ipinamahagi subalit sinabi nito na ang naturang cash aid ay magtatagal hanggang sa katapusan ng Hunyo para makabili ng kanilang sariling mga pangangailangan.
Ayon kay Sec. Gatchalian ang bawat household ay mabibigyan ng P12,000 sa ilalim ng hiwalay na programa na may kabuuang P400 million alokasyon. Ang naturang cash assistance ay maliban pa sa food packs na ipinapamahagi sa mga evacuee.
Sinabi din ng opisyal na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan para sa lahat ng evacuee kahit na madagdagan pa ang bilang.
Maliban ditp, inaasikaso na rin ang pagpapatupad ng cash for work program para sa mga residente kung saan sasahuran ang mga kalahok sa programa ng minimum daily age na P400 kapalit ng pagtratrabaho gaya ng backyard gardening sa evacuation centers o paglilinis ng kalsada.