-- Advertisements --

Sinimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng fuel subsidies na pinaglaanan ng P1-billion para ipamahagi sa 136,000 public utility jeepney drivers sa harap nang surge sa presyo ng langis.

Ngayong araw ay inilunsad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang Pantawid Pasada Fuel Program (PPP) na naglalayong tulungan ang mga tsuper sa kanilang pasanin bunsod nang pagsirit ng presyo ng langis sa mga nakalipas na buwan.

Sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra na kanilang itinuloy ang pamamahagi ng fuel subsidies kahit pa sa mga nakalipas na linggo ay bahagyang bumaba ang presyo ng krudo at gasolina.

Aniya, bagama’t may pagbabago sa presyuhan ay mataas pa rin ito kumpara sa naitala sa umpisa ng taon.

Iginiit ni Delgra na kailangan matulungan ang mga tsuper hindi lamang para maibsan ang kanilang gastusin sa araw-araw na pagmamaneho kundi para masiguro rin ang pagpapatakbo ng mga pampublikong sasakayan para sa mga nakararaming mananakay.

Sa ilalim ng programa, ang bawat isa sa 136,000 jeepney drivers ay inaasahang makakatanggap ng P7,200 kada sasakyan bilang one-time subsidy.

Ang halagang ito ay ipapadala na ng diretso sa kanikanilang PPP cards.

Sinabi ni LTFRB NCR Regional Director Atty. Zona Tamayo na ang subsidiyang ito ay maari lamang gamitin sa pagpapakarga ng langis sa mga participating petroleum retail outlets o gasoline stations.

Sa ngayon mayroong siyam na kompanyang nakikibahagi sa naturang programa.

Anumang pagbalabag sa paggamit ng naturang card ay magreresulta sa otomatikong disqualification ng card owner sa subsidy program at benefits nito.

Sa kasalukuyan ay mayroong 85,000 active PPP card holders, 78,000 dito ay nakatanggap na ng subsidiya.

Iyong mga wala pang cards ay kailangan na maghintay dahil pinoproseso pa ng Land Bank of the Philippines ang printing at pamamahagi ng cards na ito.