Isasagawa sa Hulyo 20 sa Malacañang Palace ang pamimigay ng mga cash incentives sa mahigit na 500 medalist na mga atletang lumahok sa South East Asian Games (SEA Games) at ASEAN Para Games na ginanap sa Cambodia.
Personal na iaabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang nasabing mga cash incentives.
Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann na labis na nasisiyahan ang pangulo sa patuloy na pagbibigay karangalan sa bansa ng mga atleta sa pamamagitan ng pagkamit ng mga medalya.
Nasa P60 milyon at P14 milyon na cash bonuses para sa SEA Games at ASEAN Para Games medalist ang ipapamigay na napapaloob sa Republic Act 10699 o ang Expanded National Athletes and Coaches Incentives and Benefits Act.
Ang nasabing pondo ay mula sa cash income ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ibinigay sa National Sports Development Fund (NSDF) ng PSC.
Ilan sa mga naimbitahang dadalo ay sina Senate Committee on Sports Chairman Sen. Bong Go, House Committee on Youth and Sports Chairman Rep. Faustino Dy III, .
Philippine Olympic Committee (POC) President Mayor Abraham Tolentino at iba pang mga matataas na opisyal.
Nakasaad kasi sa batas na ang mga gold medalist ay makakatanggap ng P300,000, habang mayroong P150,000 para sa silve medalista at P60,000 naman para sa mga bronze medalists ng SEA Games.
Habang sa ASEAN Para Games ay mayroong P150,000 para sa gold medalist, P75,000 para sa silver medalist at P30,000 naman sa bronze medalista.
Magugunitang sa SEA Games ay humakot ang Pilipinas ng 58 gold, 85 silver at 117 bronze medals habang sa ASEAN Para Games ay mayroong 34 gold, 33 silver at 50 bronze medals.