Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makukumpleto nito ang pamimigay sa ikalawang tranche ng Social Amelioration Program (SAP) funds sa Setyembre 30, araw ng Miyerkules.
Sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na nasa 13, 908, 438 SAP 2 beneficiaries na ang nakatanggap ng kanilang emergency cash assistance o mahigit P83.1 billion na ang naipamahagi sa mga Pilipino.
Ang naturang bilang ay 98.5 percent na mula sa 14,117,957 target beneficiaries na mabibigtan ng ikalawang tranche.
Dagdag pa ni Dumlao na patuloy ang pakikipag-uganayan ng ahensya sa kanilang financial service providers (FSP) partners para tugunan ang mga hindi umuubrang transactional accounts ng ilang benepisyaryo dahil hindi sila makapagbigay ng kumpletong personal information.
Sinisigurado naman aniya ng DSWD sa mga beneficiaries na kung sila ang kwalipikado at nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ay matatanggap nila ang kanilang ayuda.