BOMBO DAGUPAN – Hindi pabor para sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapapalakas umano ng isinasagawang Joint maritime at air patrols ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagpoprotekta sa West Philippine Sea.
Ayon kay Fernando Hicap, ang Chairperson ng PAMALAKAYA, mariin nilang kinokondena ito dahil ang patuloy na pakikipag-alyado ng Pilipinas sa Estados Unidos ay maaaring magpalala lamang ng kalagayan ng panggigiit ng gobyerno ng China na pag-aangkin sa naturang karagatan.
Aniya, hindi dapat umasa ang bansa sa US pagdating sa pagtatanggol ng territorial water dahil nandiyan naman ang katibayan ng international law na maaaring gamitin bilang depensa lalo na sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng pilit ibinabasura ng China.
Dagdag nito na hindi sila naniniwala sa layunin ng US na tulungan ang Pilipinas dahil malinaw aniya na tinutulak lamang nito ang bansa para sa hindi makatarungang gyera.
Ang aksyong ito ng Estados Unidos ay isa lamang sa layunin nitong economic expansion dahil kung mapapansin, laging nangingialam ang US sa mga alitan ng bawat bansa gaya na lamang ng sa pagitan ng Ukraine at Russia at ngayon sa Israel at Hamas. Dahil dito ay nagkakaroon ng tensyon at military provocation ang US at China at maaari aniyang gawing proxy war ang Pilipinas.
Panawagan nito na sana ay itigil na ng bansa ang anumang pakikipagtulungan sa Estados Unidos dahil hindi naman aniya sila ang nadadamay kundi ang mga sibilyan ang apektado sa mga sigalot sa pagitan ng bawat bansa.