-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng imbestigasyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela katuwang ang National Irrigation Administration (NIA) at Irrigator’s Association upang matukoy ang naging dahilan ng naranasang pagbaha sa San Manuel at Aurora, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano, sinabi niya na magtutungo siya sa bayan ng San Manuel upang pulungin ang mga kawani ng Irigator’s Association at NIA upang matukoy kung ano ang naging sanhi naranasang pagbaha.

Pinag-aaralan na rin ang paglalaan ng pondo para sa planong bypass road at pagsasaayos ng drainage canal sa mga apektadong bayan dahil ang naranasang pagbaha ay maaaring maulit kung hindi maaaksyunan.

Iniikutan na rin nila ang mga sapa sa bawat bayan upang malutas ang problema sa pagbaha.

Nagpasalamat naman si Governor Albano dahil sa mabilis na pagkilos ng DSWD para sa pagbibigay ng ayuda at tulong pananalapi sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.