Umaapela ang pamahalaan sa rice retailers na magsakripisyo muna at tumulong sa gitna ng ipapairal na price cap sa bigas.
Ginawa ni Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Agaton Uvero ang naturang pahayag dahil bunsod ng itinakdang price caps ng pamahalaan sa ilang klase ng bigas, mapipilitan ang mga rice retailer o mga tindera na magbenta ng kanilang stocks na bigas sa mas mababang presyo.
Inihayag pa ng DTI official na base sa kanilang komputasyon, bagamat walang tubo ay hindi naman aniya lugi ang mga retailer ng bigas.
Una ng ipinaliwanag ni DTI Secretary Alfredo Pascual na kanilang kwenenta ang itinakdang price caps base sa average rice prices sa nakalipas na buwan ng Mayo, Hunyo at Hulyo salig na rin sa Section 8 ng Price Act.
Mananatili ang price ceilings sa biga maliban na lamang kung aalisin na ng Pangulo sa pamamagitan ng rekomendasyon ng Price Coordinating Council o ng DA at DTI.
Una naman ng ibinabala ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. na posibleng mas pipiliin na lamang ng mga retailer na huwag magbenta ng bigas dahil sa inaasahang mawawalang kita dahil sa price cap.