-- Advertisements --

Target ng pamahalaan na magtayo ng karagdagang modular facilities para ma-accomodate ang COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) patients na hindi na kayang maipasok o ma-admit sa loob ng mga ospital dahil sa overcapacity o punuan na.

Ayon kay National Task Force spokesperson Retired Major General Restituto Padilla, ilang modular facilities na ang naitayo sa mga ospital, at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay magdaragdagag pa ng mga ito.

Inihalimbawa nito ang mga itinayong modular facilities sa Quezon City, kung saan gumamit ang DPWH ng mga container vans at mga tent.

Kahapon, Abril 3, sinabi ng Department of Health (DOH) na pinabibilisan na nila ng kanilang mga partner ang delivery at pag-assemble ng mga modular tents sa mga ospital sa National Capital Region sa gitna ng mga ulat hinggil sa umano’y kakulangan nang supply ng COVID vaccines sa harap naman nang pagtaas ng mga bagong kaso ng naturang respiratory disease.

Ayon sa DOH, walong ospital na ang nag-request sa kanila na magkaroon ng modular tents: Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC), Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (Tala), Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Tondo Medical Center, National Center for Mental Health, Lung Center of the Philippines, at National Kidney and Transplant Institute San Lazaro Hospital.

Sinabi ng DOH na ang mga tent para sa JRRMC at San Lazaro Hospital ay nakatakdang i-assemble sa Sabado.

Samantala, nagbigay naman ang World Health Organization ng apat na tents para gamitin bilang local government unit-based triage areas.