Umapela si dating Speaker Alan Peter Cayetano sa national government na bilisan ang pagtayo sa mga tourism-related infrastructure ngayong patuloy pa ring lumalaban ang bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cayetano na maaring gamitin ng pamahalaan ang kaunting tourist arrivals sa bansa para magpatupad ng malawakang tourism infrastructure program katulad ng Build, Build, Build initiative ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Cayetano na maraming “hidden gems” sa iba’t ibang lugar sa bansa na wala pa gaanong mga nakatayong imprastraktura.
Sinabi ng kongresista na ang mga kalapit na bansa ng Pilipinas sa Southeast Asia kagaya ng Thailand, Malaysa, at Vietnam ay matagal nang nag-invest sa kanilang tourism-related infrastructure katulad na lamang ng mga pasilidad para sa artisan establishments at malinis at accessible na washrooms.
Naniniwala si Cayetano na sa pamamagitan nang pagtayo sa mga tourism-related infrastructure at sa pagpapatupad ng malawakang vaccination ay mapapalakas ang tourism sector ng bansa, na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Nabatid na bago pa man nagkaroon ng COVID-19 pandemic, aabot sa 8.26 million foreign tourists ang dumating sa Pilipinas noong 2019.
Pero ang bilang na ito ay malayo pa aniya sa 40 million international tourist arrivals na naitala naman sa Thailand at 18 million foreign tourists sa Vietnam.