-- Advertisements --
image 61

Kasabay ng pagbagal ng inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo nitong Abril 2023, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) na ipagpapatuloy ng pamahalaan na isulong ang mga napapanahon at proaktibong mga hakbang para maprotektahan ang purchasing power ng mga Pilipino dahil nananatili itong top priority ng ating gobyerno.

Nauna ng iniulat ng Philippine Statistics Authority (PS) na bumagal sa 6.6% ang inflation noong Abril mula sa naitalang 7.6% noong Marso ng kasalukuyang taon.

Isa sa dahilan ang pagbagal ng inflation sa pagkain sa 8% noong Abril mula sa 9.5% sa nakalipas na buwan sa gitna ng mabagal na inflation sa gulay, isda, itlog at iba pang dairy products, karne at asukal.

Bumagal din ang inflation sa non-food sa 5.5% noong Abril mula sa 6.3% noong Marso na ang pangunahing dahilan ay ang pagbagal ng electricity inflation at pagbagal pa ng inflation sa pribadong transportasyon kasabay ng patuloy na pagbaba ng presyo diesel, gasolina at LPG.

Kaugnay ng development na ito, kumpiyansa si NEDA Secretary Arsenio M. Balisaca na magtutuluy-tuloy ang downward trend at maaabot ang target inflation outlook ng pamahalaan.