-- Advertisements --

Hindi pa rin matitinag ang mga Palestino sa paggunita ng Ramadan ngayong taon.

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot ngayon sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza City.

Ayon sa mga Palestino, ang pagdaraos ng Ramadan ngayong taon ay ibang-iba kumpara sa mga nakalipas na taon ng pagdiriwang nila ng naturang okasyon.

Ngayon kasi ay libu-libong pulis ang naka-deploy sa paligid ng makikitid na kalye ng Old City sa Jerusalem, kung saan libu-libong mananamba ang inaasahang dadagsa araw-araw sa Al-Aqsa mosque compound na isa sa mga pinakabanal na lugar sa Islam.

Bukod dito, taliwas din sa mga naging pagdiriwang ng Ramadan sa mga nakalipas na taon ay hindi na nailagyan pa ng mga dekorasyon ang paligid ng Old City, gayundin sa mga bayan sa West Bank, kung saan humigit-kumulang 400 Palestinian ang napatay sa mga sagupaan mula noong pagsisimula ng digmaan sa Gaza.

Samantala, sa naging mensahe naman ni United States of America President Joe Biden ay ipinangako niya na ipagpapatuloy nila ang pagpapaabot ng humanitarian aid sa Gaza.