-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Malacañang na iniimpluwensiyahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga isinasagawang imbestigasyon sa PhilHealth.

Kasunod ito ng muling pagdepensa ni Pangulong Duterte kay Health Sec. Francisco Duque III at sinabing wala siyang nakikitang dahilan para ito sibakin sa pwestoo litisin.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, abugado rin si Pangulong Duterte at sa ngayon ay wala itong makitang malinaw na ebidensiyang magdidiin kay Sec. Duque sa mga anomalya sa PhilHealth.

Ayon kay Sec. Roque, ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nananatiling buo ang suporta ni Pangulong Duterte kay Sec. Duque.

Gayunman, inihayag ni Sec. Roque na sakaling may makitang ebidensiya ang binuo nitong Task Force PhilHealth laban kay Sec, Duque ay ibang usapan na ito.

Iginagalang umano ni Pangulong Duterte ang anumang magiging resulta ng imbestigasyon ng task force.