CAUAYAN CITY- Ilang aktibidad para sa mga bata ang isinasagawa bilang pagdiriwang ng Children’s Month dito sa Cauayan City.
Kabilang sa mga naging aktibidad ng nasa 2,000 bata mula sa mga Child Development Centers ng Cauayan City na kalahok sa pagdiriwang ang sumali sa iba;’t ibang kompetisyon tulad ng pagsayaw at mga palaro.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Social Welfare and Development Officer Lolita Menor, sinabi niya na layunin ng naturang aktibidad na magkaroon ng social development ang mga bata sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga kapwa bata.
Anya, nagsisilbi na rin umano itong family day o bonding ng mga bata at kanilang mga magulang.
Ayon kay CSWD Officer Menor, isa pa rin sa tinutukan nila ngayon upang matugunan ang mga pangangailangan at karapatan ng mga bata ay ang mga child development centers kung saan nag-uumpisang mahubog ang pag-uugali at kaalaman ng mga batang dalawang taong gulang hanggang apat na taong gulang.
Sa kabila nito ay aminado naman siyang hindi ito sapat upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga bata kung kayat mahalaga pa rin umano ang tungkulin ng mga magulang sa paghubog sa pag-uugali, kaalaman at pagtugon sa kanilang mga karapatan.