-- Advertisements --

Patuloy ang pagbuhos ng pakikiramay sa pagpanaw ng beteranang actress na si Susan Roces sa edad 80.

Sa kani-kanilang mga social media account ay ipinarating ng mga nakasama nito sa pelikula ang kanilang kalungkutan at pakikiramay.

Maging ang ilang mga opisyal ng gobyerno ay nagpaabot ng pakikiramay sa pagpanaw ng ina ni Senator Grace Poe.

Nauna ng kinumpirma ni Senator Poe ang pagpanaw ng kaniyang ina nitong gabi ng Biyernes Mayo 20.

Mula noong 2004 ay naging balo na ito ng pumanaw ang asawang tinaguriang ‘Hari ng Pelikulang Pilipino’ na si Fernando Poe Jr.

Tinagurian ang actress bilang “Queen of Philippine Movies” na sumikat noong dekada 50.

Isinilang noong Hulyo 28, 1941 mula sa inang French-American at ama na isang Spanish-Chinese at pangalawa sa apat na anak na pawang mga babae.

Noong Disyembre 16, 1968 ay nakipagtanan ito kay Fernado Poe Jr kung saan nagpakasal sila sa isang huwis sa Bulacan.

Isinagawa rin ang kanilang pag-iisang dibdib sa simbahan ng San Jose sa Greenhills, San Juan kung saan tumayong ninong noon sina dating pangulong Ferdinand Marcos habang inang si dating First Lady Imelda Marcos, kabilang din na naging ninong nila si Senator at Mrs. Soc Rodrigo at mga abogadong sina Espiridon Laxa at Azucena Vera Perez.

Inampon nila noon din si Senator Grace Poe matapos ang ilang taon na pagsasama.

Nagsimula ang acting career ni Roces bilang child star noong 1952 sa pelikulang “Mga Bituin ng Kinabukasan” kung saan edad 10 pa lamang siya noon.

Mula noong ay sunod-sunod na ang mga pelikula niya.

Noong 2003 ay ginawaran siya ng Lifetime Achievement Awards ng Film Academy of the Philippines.