-- Advertisements --
image 429

Nadiskubre ang mga droga sa campaign leaflets mula sa mga gamit ng namatay na 51 anyos na lalaki sa may Alabang Zapote Road sa Las Pinas City.

Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng panahon ng pangangampaniya para sa Barangay at SK elections sa bansa.

Base sa inisyal na imbestigasyon mula sa mga awtoridad, natukoy ang nasawing indibidwal na alyas Henry na bumaba mula sa isang pampasaherong syip patungong Alabang nang bigla itong nagsuka saka bumagsak at nawalan ng malay.

Agad namang nirespondehan ng nakasaksing security guard at isinugod sa pagamutan ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival pagdating sa Pope John Paul Medical Center.

Kalaunan, ayon kay Police Colonel Jaime Santos, hepe ng Las Pinas police, nang hanapan ng pagkakakilanlan ang biktima nadiskubre ang pake-pakete ng pinaghihinalaang shabu na naka-tape sa likod na bahagi ng campaign leaflets mula sa mga kagamitan ng biktima.

Nakumpiska mula sa biktima ang 5 leaflets kung saan may nakabalot na tig-isang sachet ng shabu sa bawat leaflets. Ang nakalagay sa leaflet ay kandidato na tumatakbo para sa barangay kagawad sa Brgy. Molino 6 sa Bacoor city sa lalawigan ng Cavite. Bukod dito ay may nadiskubre ding 4 na aluminum foil.

Kaugnay nito, ayon sa hepe, makikipag-ugnayan ang Las Pinas Police station sa Bacoor Police bukas para sila ang magimbita sa tumatakbong kagawad sa Molino Cavite at para sa karagdagang imbestigasyon sa kaso.