Aprubado na ng House Committee on Labor and Employment ang House Bill 79019 na magmamandato sa paid pandemic leavers para sa mga empleyado ng pampribadong sektor.
Ginawa ito upang hikayatin ang mga manggagawa na sumailalim sa isolation lalo na ang mga indibidwal na nagkaroon ng exposure sa coronavirus disease.
Sa ilalim ng Paid Pandemic Leave Law of 2020, bawat employers ay kinakailangang magbigay ng paid pandemic leaves at leave benefits sa kanilang mga empleyado, kahit ano pa ang employment status nito, habang nasa gitna pa ng global pandemic ang Pilipinas dulot ng COVID-19.
Nakapaloob din dito ang 14 na paid additional leave na may full daily rate para sa mga manggagawa na kumpirmado, probable, suspect, close contact o immediate family member ng isang COVID-19 case.
Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, may akda ng naturang panukala, mahalaga ang karagdagang paid leaves na ito lalo’t nasagad na ang sick leaves ng karamihan sa mga empleyado ngayong taon.
Ang hakbang na ito ay para na rin mapreserba pa ang mga naka-empleyong manggagawa na nasa bingit ng tanggalan.
Maaari ring magbigay ng hanggang 60 days paid leave at 80 percent daily rate sa mga empleyado na naka-“floating” status o ‘yung mga involuntary na nag-out of work pero employed pa rin dahil sa epekto ng pandemic sa mga negosyo.
Para makapag-apply ng pandemic leave, kailangang magpakita ng isang empleyado ng medical records at iba pang proof of eligibility sa kanilang employer para sa agawang aksyon.
Tiyak din na sa ilalim ng panukalang ito ay pwede mag-avail ng pandemic leave ang mga tenured employees.
Ang magiging bayad para sa pandemic leave ay ire-reimburse o ibabalik ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Social Security System (SSS).