Sumabak sa “Global Health engagement” ang mga tropa ng Philippine Air Force (PAF) at US Pacific Air Forces (PACAF) bilang bahagi ng pagsasanay sa Balikatan Exercise 2021.
Kalahok sa “virtual” na pagsasanay ang mga medical experts ng AFP sa pangunguna ni PAF Chief Surgeon, Colonel Maria Socorro Posadas, kasama ang kanilang nga US counterparts na kinabibilangan ni PACAF Command Surgeon, Colonel Rudy Cachuela at international health specialist Lieutenant Colonel Cherielynne Gabriel, mula sa Hickam Airbase, Hawaii.
Tinalakay sa nasabing virtual conference ang iba’t ibang pamamaraan ng AFP at US military upang magampanan ang kanilang misyon sa gitna sa Covid 19 pandemic.
Naging pagkakataon din ito para maibahagi ng magkabilang panig sa isa’t isa ang kanilang “expertise” sa larangan ng medisina at mga “best practices” sa laban kontra sa Covid 19.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, na siya ring Commander of AFP Education Training and Doctrine Command at Exercise Director of Balikatan 2021, ito ang unang pagkakataon na isinagawa “virtually” ang pagsasanay na ito dahil sa pandemya.
Maari aniyang nalimitahan ng pandemya ang ilang aspeto ng Balikatan exercise pero hindi nito naapektohan ang samahan at pagkakaibigan ng AFP at US Armed Forces.
Tiniyak naman ng US Armed Forces na maging makabuluhan ang balikatan 2021 sa kabila ng covid-19 pandemic.
Ayon kay Col Aaron Brunk ng 3rd US Marines Expeditionary Force and Officer in charge for Exercise Support Group, na first time niya sa bansa subalit marami na itong naging kaibigan.
Aniya, mas lalo pang mapapalakas ang ugnayan ng dalawang armed forces.