-- Advertisements --

Pinabibilisan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagtatayo ng mga imprastraktura para sa industriya ng turismo.

Ito ay para matiyak ang kahandaan ng tourism industry sakaling umabot man aniya ng hanggang dalawang taon ang COVID-19 pandemic.

Aminado si Cayetano na may mga hamon pa rin pagdating sa muling paggulong ng tourism industry sa bansa bunsod ng COVID-19 pandemic pero hindi naman maitatagi aniya na mayroon ding malaking oportunidad dito

Kaya dapat ngayon pa lamang ay dapat na mabilisan na aniya ang pagpapagawa ng mga tourism-related infrastructure projects.

Maaari aniyang maglaan ng malaking pondo para sa tourism infrastructure upang matiyak ang mabilis na pagpapatayo ng mga imprastrakturang magpapalakas sa turismo ng bansa.

Kasabay nito ay hinikayat ng lider ng Kamara ang Department of Tourism (DOT) na pag-aralan ang mga magagandang kasanayan ng ibang mga bansa para sa paggulong muli ng kanilang tourism sector.

Mababatid na bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso, inaprubahan ng Kamara ang Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE).

Bukod sa ayuda sa mga manggagawang apektado ng COVID-19, nakapaloob din sa panukala ang P58 billion na alokasyon para ma-revive ang tourism sector.