-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tiniyak ni Malay Sangguniang Bayan member Nenette Aguirre-Graf na haharangin ng konseho ang pagtatayo ng isang malaking casino sa isla ng Boracay.

Ayon kay Graf, hindi niya maintindihan ang biglang pagkambyo ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na noong una ay tutol sa planong konstruksyon ng casino sa isla.

Dagdag pa nito na hindi kailangan ng Boracay ang casino dahil pumupunta aniya ang mga turista dito upang mag-relax at magbakasyon at hindi upang magsugal.

Sa kabilang daku, sinabi pa ni Graf na nagpatupad sila ng moratorium sa pagpapatayo ng bagong casino sa Boracay upang malimitahan ang operasyon nito matapos na may apat nang kasakuluyang nag-o-operate ng casino na tumatanggap lamang ng mga dayuhang turista.

Noong 2018 inilabas ng Macau-based Galaxy Entertainment Group at Filipino partner nitong AB Leisure Exponent Incorporated ang kanilang planong magtayo ng integrated resort-casino complex sa Barangay Manocmanoc na nagkakahalaga ng kalahating bilyong dolyar.