Magandang balita para sa mga motorcycle riders ang pagkakaroon ng motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ito’y matapos aprubahan ng Metro Manila Council sa plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez napapanahon na ang pagtatalaga ng motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth.
Giit ng mambabatas na mahalaga na magkaroon ng exclusive lanes para sa mga motorsiklo dahil sila ang higit na delikadong maaksidente.
Tinukoy din ni Gutierez ang road crash statistics mula sa MMDA Traffic Engineering Center na nagpapakita na mula January hanggang August 2022 ay umaabot sa 1,010 motorcycle-related accidents ang nangyari sa kahabahaan ng Commonwealth Avenue.
Inihayag pa ng mambabatas, sa oras na maging matagumpay ang pagkakaroon ng dedicated lanes sa motorsiklo sa Commonwealth Avenue ay dapat lang na ipatupad din ito sa iba pang mga lansangan.
Base sa plano ng MMDA, ilalaan sa bicycle riders ang outermost lane ng Commonwealth Avenue, ang susunod na lane naman ay sa mga pampublikong sasakyan habang ang third lane ay para sa motorcycle riders.