-- Advertisements --

Iminungkahi ni Speaker Alan Peter Cayetano ang pagtatag ng Department of Arts and Culture para mapalakas ang suporta ng pamahalaan sa mga indibidwal na involved sa creative at performing arts sa bansa.

Ginawa ni Cayetano ang naturang pahayag matapos na hindi inaprubahan ng House committee on legislative franchises ang franchise application ng ABS-CBN, dahilan kung bakit posibleng mawalan ng trabaho ang mga artista at talents na nagtatrabaho sa kompanya.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Cayetano na malaki ang naitulong ng performing arts industry sa ibang bansa pagdating sa kanilang ekonomiya, katulad na lamang aniya ng mga K-Pop sa South Korea.

Iginiit ni Cayetano na hitik ang Pilipinas sa mga talentadong mga artists, singers, painters, sculptors at iba pang mga kilalang artists sa ibang bansa pero walang sapat na suportang nakukuha mula sa pamahalaan.

Sa oras na maitatag na aniya ang Department of Arts and Culture, sinabi ni Cayetano na hindi lamang makikilala ang mga Filipino talents kundi mabibigyan din ng suporta at incentives.

Sa ganitong paraan, mas maraming trabaho at investments aniya ang papasok sa bansa.