-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng itaas sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon sa mga susunod na araw dahil sa tumataas na magmatic unrest.

Ang babalang ito ay bunsod ng namataang crater glow o “banaag” sa bunganga ng bulkan noong gabi ng Mayo 10, na nagpapatuloy o tumitindi.

Ayon sa PHIVOLCS ang nasabing crater glow ay indikasyon na malapit na sa ibabaw ang magma, na maaaring magdulot ng mas malakas na pagsabog.

Sa inilabas na advisory ng ahensiya kaninang umaga, Mayo 11, sinabi ng Phivolcs na paminsan-minsang nakaka-detect ng mga “invisible emission” o mga hindi nakikitang buga ng superheated volcanic gas plumes mula sa bunganga ng bulkan tuwing gabi. Ang mga ito ay nakikita gamit ang infra-red at high-resolution camera monitoring simula noong Nobyembre 4, 2024.

Gabi nitong Linggo, naobserbahan ang unang pagkakataon ang incandescence sa summit ng bulkan dulot ng superhead volcanic gas.

Ang naturang phenomenon ay tinatawag na crater-glow o banaag, na ayon sa state volcanologists, ay karaniwang simula ng magmatic eruption sa bulkan.

Sa ngayon, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone dahil sa banta ng biglaang pagputok, ashfall at pyroclastic density currents o uson.