-- Advertisements --

Itinalaga bilang undersecretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si dating Iloilo City mayor Jed Patrick Mabilog.

Ayon ‘yan kay DILG Secretary Jonvic Remulla, matapos manumpa si Mabilog kahapon bilang undersecretary para sa public safety, na tututok sa mga reporma sa mga lokal na pamahalaan.

Giit ni Remulla, hindi umano naghahanap ng paghihiganti si Mabilog sa pagbabalik sa serbisyo publiko.

Matatandaan na umalis ng bansa si Mabilog noong 2017 at nagtago sa Estados Unidos matapos siyang akusahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang umano’y protektor ng ilegal na droga.

Nakabalik ang dating alkalde sa Pilipinas noong 2024 matapos sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI).

Noong Enero 15, 2025, binigyan siya ng executive clemency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagbukas ng daan para sa kanyang pagbabalik sa pampublikong serbisyo.

Matatandaang itinanggi ni Mabilog ang mga paratang na siya umano ang protektor ng yumaong sinasabing drug lord na si Melvin Odicta Sr., na napatay noong 2016.