Kinondena ng grupong Tindig Pilipinas at mga kaalyadong organisasyon ang umano’y hakbang ng ilang senador na kaalyado ng mga Duterte upang protektahan si Vice President Sara Duterte laban sa impeachment trial at si Senador Ronald “Bato” dela Rosa mula sa pananagutan matapos maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court laban dito.
Sa isang press conference, sinabi ni Atty. Dino de Leon na malinaw umano ang mensahe sa likod ng pagpapalit ng liderato sa Senado habang may mahalagang constitutional process na nagaganap.
Ayon kay De Leon, tila may mga taong nais pigilan ang katotohanan at iligtas ang ilang personalidad mula sa pananagutan.
Binatikos din niya ang paglalagay ng Senado kay dela Rosa sa protective custody matapos itong iugnay sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong ‘war on drugs’ noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ng abogado, hindi dapat maging “safe haven” o kanlungan ng mga pugante at mga inaakusahan ng mabibigat na krimen ang Senado.
Ipinaalala rin niyang limitado lamang ang immunity ng mga senador at hindi nito saklaw ang mabibigat na kaso tulad ng crimes against humanity.
Nanawagan din si Yvonne Jereza ng Magdalo kay dela Rosa na harapin ang kaso nito sa ICC, habang sinabi naman ni Rafaella David ng Akbayan na hindi dapat hadlangan ng Senado ang pagsisilbi ng warrant at ang impeachment process laban kay VP Sara.
Giit pa ni De Leon na hindi dapat gamitin ang isyu ng soberanya laban sa ICC dahil bahagi umano ito ng international law, na kinikilala rin sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas.
Kinondena rin Fr. Robert Reyes ang ilang mga senador na umano’y humahadlang sa impeachment at accountability process.
Ayon sa mga grupo, patuloy nilang babantayan ang mga hakbang ng Senado at hihikayatin ang publiko na ipagtanggol ang constitutional processes at pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.
















