Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga opisyal ng pamahalaan na isantabi muna ang pulitika sa kanya at pagtuunan ng pansin ang kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran ng bansa.
Ginawa ng Ikalawang Pangulo ang pahayag sa ika-65 Patronal Fiesta sa Hinatuan, Surigao del Sur, kung saan binanggit nito na matagal nang naghihintay ang mga Pilipino ng mas maayos na pamumuhay.
Ayon pa kay Sara Duterte, dapat unahin ng mga opisyal ang pagbibigay ng trabaho, kabuhayan, at maayos na serbisyo sa mga komunidad kaysa sa pamumulitika.
Hinikayat din niya ang mga lider ng pamahalaan na isulong ang “kalinaw ug kalambuan,” o kapayapaan at kaunlaran, para sa kapakanan ng mamamayan.
Bukod dito, pinaalalahanan din niya ang mga magulang na suportahan ang kabuhayan ng kanilang pamilya at hinikayat ang mga kabataan na tapusin ang kanilang pag-aaral at manatiling disiplinado.
Samantala, nagpapatuloy ang impeachment trial laban kay VP Sara. Kabilang sa mga paratang laban sa kanya ang umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, hindi maipaliwanag na yaman, katiwalian, at mga banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Mariin namang itinatanggi ng kampo ni VP Sara ang mga alegasyon sa nagdaang tatlong araw ng paglilitis sa Senado at iginiit na walang basehan ang mga paratang.
Kinakailangan ang boto ng hindi bababa sa 16 sa 24 na senador upang mapatalsik ang Bise Presidente sa puwesto at madiskuwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
















