-- Advertisements --

Lumutang ang mga bagong detalye sa pagdinig ng Senado matapos humarap ang civil society at ilang testigo na nagpatotoo hinggil sa umano’y bayaran kapalit ng lagda para sa people’s initiative.

Magugunitang, paulit-ulit na itinanggi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ng kanyang mga kaalyado sa House of Representatives ang anumang pagkakasangkot sa people’s initiative, partikular sa pangongolekta ng mga pirma na nilayon para isumite sa Commission on Elections (Comelec) para sa validation.

Gayunpaman, nabaluktot ito matapos na aminin na suportado ng liderato ng Kamara ang isinusulong na people’s initiative.

Sa pagsisiyasat ng mga senador, itinuro nina Alfredo Garbin Jr., ang convenor ng People’s Initiative, at Noel Oñate, ang national convenor ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action (PIRMA), ang ugnayan ng Speaker at iba pang kongresista sa kontrobersyal na people’s initiative na nababalot ng mga akusasyon ng panunuhol, panlilinlang, at iba pang mga bawal na gawain.

Dito, sinuri ni Senador Chiz Escudero ang pagdalo ni Garbin sa mga pagpupulong ng Kamara, kung saan tinanong ito sa kanyang tungkulin dahil madalas na nakikita sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Si Garbin, ang dating kinatawan ng Ako Bicol Party List, na nagsilbi kasama ang kasalukuyang representative na si Rizaldy Co, na kasalukuyang namumuno sa House Committee on Appropriations at isang matatag na kaalyado ni Speaker Romualdez.

Kasalukuyang executive director ng party-list organization si Garbin.

Lumutang din ang mga bagong rebelasyon nang tanungin ni Marcos si Oñate.

Nadiin si Oñate matapos ipakita ang screenshot ng isang larawan na may agenda na people’s initiative for charter change staff meeting kasama si Congressman Co at Speaker Romualdez.

Ngunit bago umamin si Oñate ay nakailang tanggi ito sa mga senador kung nakipagkita at nakipagpulong siya kay Romualdez para sa pagsusulong ng people’s initiative.

Ayon kay Oñate, nakipagtulungan lamang siya sa ilang mga kongresista dahil ayon sa batas ay kinakailangan ng 3% kada distrito ng mga pirma.

Sumingit na si Senate President Juan Miguel Zubiri para lantarang ipakita ang isang screenshot ng larawan na magkakasama sa meeting ang grupong pirma kasama si Congressman Co at Speaker Romualdez at kalaunan ay inamin din ni Oñate na sinusuportahan ni Romualdez ang pirma para sa pagsusulong ng people’s initiative.

Samantala, sinabi rin Oñate sa pagdinig na umabot sa P55 million ang kanyang nagastos para sa campaign advertisement ng people’s initiative sa tatlong malalaking TV network.

Nang matanong naman ni Senador Chiz Escudero kung saan galing ang nasabing halaga, ayon kay Oñate, kalahati sa P55 million ay sarili niyang pera habang ang kalahati pa ay mula naman sa kontribusyon ng mga kaibigan at tagasuporta ng People’s Initiative.

Sa mga kontribusyon ay may nagbigay aniya ng P500,000, P1 million at P2 million pero hindi muna ibinigay ni Oñate ang pangalan ng mga contributors.

Nabahala naman ang mga senador dahil ibinigay lang ng ‘cash’ ang halaga sa mga advertising agency at walang maipakitang resibo at proper documentation.