ILOILO CITY – Naglunsad nang imbestigasyon ang Office of the Presidential Assitant for the Visayas (OPAV) kaugnay sa reklamo ng pamilya ng lalaking nagpatiwakal sa tulay malapit sa isang mall sa Brgy. Pulo Maestra, Oton Iloilo.
Ito ay matapos umanong hindi tinanggap ng West Visayas State University Medical Center sa Iloilo City ang biktima na si Bergil Lencioco ng Brgy. Lambuyao, Oton, Iloilo.
Tinanggihan umano si Lencioco ng naturang ospital na ma-admit dahil hindi naman kritikal ang kondisyon nito sa kabila nang nararanasang flu-like symptoms na kahalintulad ng COVIDI-19.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Assistant Secretary Anthony Gerard Anthony “Jonji” Gonzales, sinabi nito na hindi niya mawari ang naturang insidente lalo pa at may kasunduan ang West Visayas State University Medical Center at Department of Health (DOH) sa COVID-19 response.
Ayon kay Gonzales, aalamin pa niya kung totoo ang pahayag ng pamilya ng biktima at sa oras na mapatunayan totoo ang alegasyon ng mga ito ay susundin nila ang utos ni Presidente Rodrigo Duterte na tanggalan ng lisensya ang ospital na tumangging tumanggap sa pasyente.
Samantala, hindi rin ikinatuwa ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang pagtangging ginawa ng naturang ospital.
Binigyan diin ng alkalde na pribado man o pampublikong ospital ay hindi dapat tumatanggi sa mga pasyente, may COVID-19 man ang mga ito o wala.
Malinaw na criminal offense aniya ang ginawa ng hospital management sa biktima.
Ani Treñas, dapat na magpaliwanag ang pamunuan ng naturang ospital tungkol sa nasabing insidente.